Miyerkules, Oktubre 1, 2014

Ang pagsibol ng PALABOK sa puso.

PAALALA: Ang akdang ito ay walang kinalaman sa kung papaano ang tamang pagluluto ng palabok, mga sangkap nito at tamang paraan ng pag-gayat ng mga sahog. 

Marahil nakatatakam ang mga susunod na pangyayari ngunit hindi nito bubusugin ang inyong mga tyan. At maski ako ay ginutom dahil di ko sukat akalain bakit na lamang pumasok ang palabok sa isip ko at kung ano man ang kinalaman nito sa pinagdaraanan ko ngayon.

Ito ang aking unang akda bilang isang nagsisimulang manunulat. Isa lamang ako sa milyon-milyong mambabasa na umaasa sa impormasyong maari kung makuha base sa kung ano ang pangangailangan ko ngayon. Maaring ito ay may kinalaman sa puso,di malilimutang karanasan, sa problema, mga nakakatakot na bagay, kalibugan, recipe, tungkol sa pamilya, sa kaibigan, sa nasirang relasyon, pagdududa, pagmamahal sa kapwa, pagtulong at kung anu-ano pang mga bagay na pwedeng magbigay sa atin ng impormasyon. Depende na lang sa atin kung sa papaanong paraan natin magagamit. Pwedeng gusto lamang nating magkalap ng ideya, moral lesson, tulong ng mga tao na kagaya natin ng sitwasyon, gusto nating matakot, malibugan at kung anu ano pa. 

Ako si Bensyo, tubong Bulacan, ang mga magulang ko ay hindi lehitimong mga Bulakenyo ganun pa man dito na ko lumaki, nag-aral at nagkaisip. Naalala ko nung elementary pa lamang ako, lagi akong tinutukso ng mga kaklase ko na CHOPSEUY dahil daw sa halu-halong dugo na dumadaloy sa mga ugat ko. Ang aking ina ay half chinese and half kapampangan at si itay naman ay half spanish, half bisaya. Kung anu-ano rin ang naibansag sa akin ng mga kalaro ko, merong intsik beho tulo laway, piki, atchoy at ang walang kamatayang PALABOK. Naalala ko nung nagtitinda pa ang mga magulang ko ng palabok sa may tapat ng paaralang pinapasukan ko, marahil kaya sa negosyo na yun kaya nabansagan akong Bensyong palabok. Akala ko dati sa pyesta lang pinagkakaguluhan ang palabok o kaya naman pag may birthday sa baryo namin, pero tandang tanda ko sa tuwing lumalakad ako sa pasilyo ng eskwelahan namin, kaliwa't kanan ang maririnig kong panunukso ng mga klasmeyt kong nakaaangat sa buhay. Hindi naman ako pangit at sa pagkakatanda ko, isa ako sa mga matatalinong estudyante ng mababang paaralan na yun. Lagi akong top student at taun-taon kong pina-aakyat sa entablado ang nanay ko dahil sasabitan ako ng medalya. Ganunpaman, hindi parin maiiwasan na kutyain at basagin ako ng mga klasmeyt ko. Naalala ko pa, hindi pa uso ang canteen sa paaralan namin. Lahat ng estudyante ay sabay sabay na kumakain sa loob ng silid-aralan. At sa oras ng recess, nahahati ang ang mga estudyante sa tatlong grupo. Una, ang mga klasmeyt kong may mamahaling lunch box. Sila yung mga tipikal na batang anak ng opisyales ng gobyerno, may mga magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa o di kaya naman ay regular na nagtatrabaho sa opisina. Sila yung maaga pa lang ay hinahatid na ng mga magulang sa paaralan dahil maaga din itong magsisipasok sa trabaho. Samakatwid, at hindi pa nauuso noon ang salitang inggit sa mga bata, isa ako sa mga manghang manghang bata sa mga makukulay at cartoon character printed na baunan nila. Iwinawagayway habang hawak ng isang kamay o di kaya naman ay nakasukbit sa isang mamahaling stroller bag. Sila yung araw-araw fried chicken, pork chop, o hotdogs ang baon at may kasama pang juice or chocolate drink. Ang ikalawa naman ay yung mga mga batang araw-araw na hinahatiran at pinapakain ng mga nanay nila. Sila yung mga batang hindi man nakararanas araw araw ng masasarap na baon pero todo naman sa asikaso at effort ng mga nanay nila, Sila yung may mga magulang na isa lang ang nagtatrabaho at tipikal na ang mga tatay nila, habang may isang tao na magaasikaso at nag aalaga ng pamilya. At ang ikatlo naman ay ang mga estudyanteng tulad ko. Walang mamahaling lunchbox na may baong fried chicken, pork chop o hotdogs. Walang magulang na maghahatid ng pagkain. Mga batang parehas na naghahanapbuhay ang mga magulang. Tulad ko, maaga pa lang ay inaayos na ng nanay ko ang baon naming pagkain. Nakalagay sa isang tupper ware at naka color coding pa para di kami malitong magkakapatid. Kadalasan nagsasama-sama kami sa isang sulok. Share share ng ulam. Naalala ko pa, napagtawanan ako isang beses, palabok ang ipinabaon samin ng nanay ko dahil hindi nakapagluto. Gaya ng dati, mas masaya. Mas magulo at mas makalat sa sulok ng grupo namin. Iba pa rin ang masaya sa masarap.

Highschool Madness.

Sa highschool, iba na pala ang buhay. Maraming magbabago. Mas mahirap at mas akward ang sitwasyon. Ganun pa man hindi pa rin maikakatwa na nahati ko pa din ang mga uri ng estudyante sa dalawang grupo. Maraming nawala at meron din namang naidagdag. Sa highschool mas akward, paulit ulit....

Mas akward.. Sa highschool iba na kasi ang labanan. Dito, hindi lang patalinuhan at pagalingan  ang kailangan. Dapat marunong ka din sumunod sa agos ng buhay. Ang pagpasok sa mas komplikado pero masaya at kung minsan sa mas kalungkot lungkot na pangyayari. Sa ayaw at sa gusto mo, mararanasan mong umibig, mabigo, umibig ulit, yung iba masaya pero kadalasan mabigo. Magkaroon ng crush kung late bloomer ka pero mas madals pa din ang mabigo. Maraming dahilan. Iba iba. Mayroon na di pwede sa mga magulang dahil istrikto sila. Mayroon naman na consistent ka lang talaga sa pag aaral at wala kang pakelam kahit sila tumi-third degree na ang pan syosyota. Yung iba panget lang talaga kaya natatakot. At ang mas mahirap ay yung marami kang karibal at makakabangga. Hindi naman ako panget, isa nga ako sa mga pinakamatilong estudyante sa paaralan na pinapasukan ko. Pero may problema... At kung ano man yun malalaman at malalaman nyo din.

(to be continued)